Sunday, May 08, 2005

Ang Ligpit kong Tahanan

(Mi Retiro)

Sa tabi ng dagat na humahalik pa sa tiping buhangin,
Malapit sa paa ng bundok na pelus kung pagmamalasin,
Ang munti kong kubo'y doon itinirik, sa saganang lilim
Ng mga halamang nakikipaglaro sa ihip ng hangin.
Aking dinudulang sa katabing gubat na masalimisim
Ang katiwasayang panlunas sa hapong isip ko't damdamin.

Ang atip ng bubong ay hamak na pawid, sahig ay kawayan,
Magaspang na kahoy ang mga haligi, pingga at tahilan,
Sa kubo kong ito ay walang bahangin may kahalagahan,
Lalong mabuti pa ang doon humilig sa lunting damuhan
Na abot ng bulong at awit ng dagat sa dalampasigan.

Doon ay may batis na umaawit pa habang naglalagos
Sa mga batuhan, magmula sa gubat sa may dakong likod;
Batis ay nagsanga sa tulong ng isang magaspang na tungkod,
kung gabing tahimik ay may bulong siyang nakapag-aantok,
At kung araw naman, ang langit ay parang ibig na maabot.

Kung ang kalangita'y payapang-payapa, agos ay banayad,
Panay ang taginting ng kanyang gitarang hindi namamalas,
Pagbagsak ng ulan, ang tulin ng agos ay walang katulad,
Humahagunot pa sa nangaghambalang na batong malapad,
Sa di mapipigil na kanyang pagtakbong patungo sa dagat.

Palahaw ng aso at awit ng ibon, at sigaw ng kalaw,
Ang ingay na tanging siyang bumabasag sa katahimikan;
Doo'y di kilala ang tinig ng taong palalo't mayabang
Na susunu-sunod sa nasang guluhin ang aking isipan;
Ako'y naliligid ng katabing dagat at ng gubat lamang.

Ang dagat, ah, ito ay siya ngang lahat kung para sa akin,
Kung dumadaluhong mula sa di tanaw na mga pampangin,
Sa akin, ang kanyang ngiti kung pananalig ko'y parang
nagmamaliw,
At kung dapit-hapong ang pananalig ko'y parang nagmamaliw,
Siya ay may bulong na inihahatid sa akin ng hangin.

Pagdating ng gabi, dakilang palabas ng kahiwagaan,
Malaking liwanag ng mumunting kislap na hindi mabilang
Ang doon sa langit ay nakalaganap sa kaitaasan;
Habang dinadalit niyong mga alon ang saklap ng buhay,
Dalit na malabo pagka't nilulunod ang sariling ingay.

Isinasalaysay ang ayos ng mundo nang unang sumikat
Ang araw sa langit, at sila'y laruin ng kanyang liwanag;
Nang mula sa wala'y dami ng kinapal ang biglang kumalat
Sa kailaliman, at sa kapatagan, magpahanggang gubat,
Sa lahat ng dako na abot ng halik ng mayamang sinag.

Nguni't kung sa gabi'y magising ang hanging malikot, mailap,
At ang mga alon, sa galit na dala'y susugod, lulundag,
Mayrong mga siagaw na sa aking puso'y nagbibigay-sindak
, Mga tinig waring nagsisipagdasal, o nag sisiiyak,
Nagsisipanaghoy sa kailalimang kadilima'y ganap.

At saka uugong ang marahang taghoy na mula sa bundok,
Mga punungkahoy at ang mga damo'y nagsisipangatog,
Pati mga pastol ay nababalisa't pawang mga takot,
Sapagka't, anila, ang mga kalulwa'y noon sumisipot
At nag-aanyayang sa kanilang handa sila ay dumulog.

Gabi'y bumubulong sa gitna ng sindak at pagkaligalig,
At sa dagat nama'y bughaw't lunting apoy ang pasilip-silip;
Pag ngiti ng araw'y payapa na naman ang buong paligid,
At mula sa laot, yaong mangingisda ay napagigilid,
Sugod na ang lunday at ang mga alon ay nananahimik.

Ganyan ang buhay ko sa aking payapa't ligpit na tahanan;
Sa mundong nang dati ay kilala ako, ako'y pinapanaw,
Nasapit kong palad, sa ngayon ay aking binubulay-bulay;
Isang bato akong binalot ng lumot upanding matakpan
Sa mata ng mundo ang mga damdaming sa puso ay taglay.

Dahil sa naiwang mga minamahal, ako'y nangangamba,
Mga ngalan nila'y di ko nalilimot sa laot ng sigwa;
May nangagsilayo at mayroon namang nangagsipanaw na;
Nguni't sa lumipas kong hindi mapapaknit kahit agawin pa.

Kaibigan iyang sa lahat ng oras ay aking kapiling
Sa gitna ng lumbay ay nagpapasigla sa diwa't damdamin;
Sa gabing tahimik, siya'y nagtatanod at nananalangin,
Kasama-sama ko sa pagkakatapong malungkot isipan,
Upang kung manlaming ang pananalig ko ay papag-alabin.

Yaong pananalig na ibig ko sanang makitang kumislap
Sa dakilang araw ng pangingibabaw ng Isip sa lakas;
Kung makalipas na itong kamataya't labanang marahas,
Ay may ibang tinig, na lalong masigla at puspos ng galak,
Na siyang aawit ng pananangumpay ng matwid, sa lahat.

Aking natatanaw na namumula na ang magandang langit,
Gaya noong aking bukuin sa hagap ang una kong nais;
Aking nadarama ang dati ring hangin sa noong may pawis,
Nararamdam ko ang dati ring apoy na nagpapainit
Sa tinataglay kong dugong kabataang magulo ang isip.

Ang nilalanghap kong mga simoy dito'y nagdaan marahil
Sa mga ilugan at sa mga bukid niyong bayan namin;
Sa pagbalik nila ay kanila sanang ihatid sa akin
Ang buntong-hininga ng minamahal kong malayo sa piling,
Pahatid na mula sa pinagsanglaan ng unang paggiliw.

Kung aking mamasdan sa abuhing langit ang buwang marilag.
Nararamdaman kong ang sugat ng puso'y muling nagnanaknak;
Naaalaala ang sumpaan naming kami'y magtatapat,
Ang dalampasigan, ang bukid at saka arkong may bulaklak,
Ang buntong-hininga, ang pananahimik at ang piping galak.

Isang paruparong hanap ay bulaklak at saka liwanag,
Malalayong bayan ang lagi nang laman ng kanyang pangarap;
Musmos na musmos pa, tahana'y nilisa't ako ay lumayang,
Upang maglimayon, na ang diwa'y laya at walang bagabag - -
Ganyan ko ginugol ang mga pili kong panahon at oras.

At nang mapilitang ako ay bumalik sa dating tahanan,
Kagaya ng isang ibong nanghina na sa kapanahunan,
May nag bagong sigwang malakas, mabangis na parang
halimaw;
Ang mga pakpak ko'y nagkabali-bali't tahana'y pumanaw,
Ang aking tiwala'y ipinagkanulo't lahat na'y nagunaw.

Sa pagkakatapong malayo sa bayang pinakaiibig,
Ang hinaharap ko'y madilim na lubha't walang tatangkilik:
Pamuli na namang susungaw ang aking mga panaginip,
Tanging kayamanan ng kabuhayan kong sagana sa hapis;
Mga pananalig niyong kabataang matapat, malinis.

Dapwa't kung ikaw ma'y umaasa ngayong iyong makakamtan
Yaong gantimpalang hindi magmamaliw magpakailan man,
Hindi ka na paris ng dating magilas at buhay na buhay;
Sa hapis mong mukha'y may bakas na hindi mapagkakamalan
Yaong pananalig na dapat mahalin at ipagsanggalang.

At upang aliwin, handog mo sa aki'y mga panaginip,
Nagsaang panahon ng kabataan ko'y ipinasisilip;
Kaya nga salamat, O sigwang biyaya sa akin ng langit,
Alam mo ang oras na takdang pagpigil sa gala kong isip,
Upang ibalik mo sa pinanggalingang lupang iniibig.

Sa tabi ng dagat na humahalik pa sa tiping buhangin,
Malapit sa paa ng bundok na pelus kung pagmamalasin,
Aking nasumpungan ang isang tahanang sagana sa lilim,
Aking natuklasan sa katabing gubat na masalimsim
Ang katiwasayang panlunas sa hapong isip ko't damdamin.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home